balangaw

Marinduque Island native reaching out for general awareness that our inhabitants have a lot to share with the outside world culturally and environmentally but we must be supported and helped regain our own battered consciousness. Alternative views & pills offered.

Monday, October 03, 2005

Postscript sa Impeachment

Nakakaaliw manood sa mga video coverage ng rally tungkol sa kagustuhang pagpapatalsik kay Gloria ng mga kaaway niya. Nakakalibang at medyo wala sa lugar tuloy ang pagdedeboto ng oras para pag-ukulan ng pansin ang mga nakapanlulumos na sitwasyon sa sariling bakuran. Muna. Dahil sino ang makikinig, e mas ma-aksiyon ang mga eksena sa Maynila!

Lalo na sa Kongreso. Malimit kasi magugulat ka na lamang sa iba't-ibang paraan doon ang ginagamit para makaagaw ng eksena. Importante kasi 'yun dahil ang proceedings ay nakikita "live" sa telebisyon. Kung hindi ganun, ay nungka na makita mo'ng pumorma ang sino man, puwera yung mangilan-ngilan na sinsero sa ginagawa nila.

Pumorma ang isa. Bumuwelta mula sa partido ni Gloria para umeksena sa awayan. Natural, magandang kopya 'yun sa radio, tv at dyaryo. Hindi matago ng isang kongresista ng oposisyon mula sa Makati ang kanyang pagkadismaya. Wala raw karapatan ang eksenador para magsalita ng ganoon: "Wala na ba'ng ibang susuporta para sa paglabas ng katotohanan?" Ang sa kanya ay marami pang mas may napatunayan na sa kongreso pero hindi nagprisinta sa kanilang mga sarili bilang spokesman para sa katotohanan.

Naala-ala ko lang na isang eleksiyon noong mga nakaraang taon, matindi ang pagkadismaya ng lokal na simbahan sa ilalim ng pamamalakad ng isang Obispong yumao na sa pamamaraang isinagawa ng ilang kandidato kasama na ang kongresista sa usapin ng malawakang pamimili ng boto. Ilang araw matapos ang eleksiyon, nag-isyu ng isang pastoral letter ang lokal na simbahan para kondenahin ang pangyayari. Pumirma rito ang lahat ng kaparian at mga madre bilang patunay ng kanilang pagkondena. At nanlaki ang mata ko ng tukuyin sa sulat na wala ni isa mang miyembro ng kaparian ang dadalo sa inagurasyon para mag-misa.

Nasabi ko tuloy sa sarili ko na sa wakas, kapag nangyari ang gayon, masasabing may isang malaking kontribusyon ang simbahan na maituwid ang bulok na kalakalan sa pag-gamit ng armas, at milyon-milyong salapi para maluklok ang isang kandidato sa isang puwestong lokal, lalo na kung tumatakbo para sa isang puwesto sa unang pagkakataon. Dinokumento pa ng simbahan ang mga pangyayari at inihayag ang detalye ng isinagawang operasyon ng mga kandidato at supporters nila sa pahayagang nilimbag ng simbahan. Ang COMELEC naman, pinangalanan ang lalawigan na isa sa limang probinsiya sa buong kapuluan na kung saan naging malaganap ang vote-buying. Dahil nga dito ay isang realidad ang pamimili ng boto na siyempre naman, iligal!

Nalibang talaga ako. Dahil ang isyu sa kaso ni Gloria ay pandaraya sa eleksiyon at pag-gamit ng pananalapi ng taumbayan upang ang pagpapanalo sa kanya ay maisagawa. Pero mas nakakahibang na makita ang isang "bagong mesiya ng katotohanan" na kondenahin ang isang tao sa kasalanang paulit-ulit namang ginagawa ng mismong nagkokondena.

Tingin ko lang, 'yun ang punto ni Gloria sa paulit-ulit niyang depensa: "Kung sino man ang walang kasalanan ang siyang dapat na unang bumato sa akin!"

Sa kaso ng ating mesiya, sumablay naman ang pirmadong dokumento ng kaparian noon. May nag-iisang pari na dumalo sa inagurasyon para mag-misa bagama't isa siya sa lumagda. May alingasngas na iyon daw kasi ang nagagawa ng salapi.

Ilang buwan ang nakaraan, sumakabilang-buhay ang Obispo. May mga nagsabi na malaki raw ang kadahilan sa kanyang pagpanaw ng sama ng loob sa hindi pagtatagumpay na maisakatuparan ang opisyal na posisyon ng kanyang simbahan.

2 Comments:

  • At 10:05 PM, Blogger Unknown said…

    minsan nakakasawa na manood ng news kasi wala ng katapusang issue sa govnt, hehe. nice blog eli.

     
  • At 11:02 AM, Blogger Ederic said…

    Bagamat hindi kailanman magiging makatuwirang ipagkibit-balikat ang kasalanan ng isang malaking isda dahil ginagawa rin ito ng maliliit na isda, nakikita ko ang iyong punto.

    Mahirap itong hindi na ako lagiang nakakauwi at di masyadong nakakabalita tungkol sa mga pangyayari sa lokal na pulitika diyan sa atin.

     

Post a Comment

<< Home

 
Subscribe with Bloglines